Author

Created On

Last Updated On

Language, Land, and Place Language Revitalization
Magtanong sa ELP: Lugar ng Labanan

Mahal kong Proyekto para sa mga Nanganganib na Wika,


Ang sitwasyon ng aking wika ay hindi masyadong masama hanggang sa ilang taon ang nakalipas nang nagsimula ang digmaan. Ang mga nagsasalita ngayon ay nakakalat sa buong mundo at marami ang nawalay sa iba pang nagsasalita.
Paano natin maisusulong ang ating wika sa mga ganitong sitwasyon?
 

-Lugar ng Labanan

 

Mahal kong Lugar ng Labanan,

Nais kong simulan sa malungkot na pagkilala na maraming wika sa mga lugar ng digmaan sa buong mundo ang nagdusa o kasalukuyang nakakaranas ng ganitong uri ng kapus-palad na sitwasyon na inilarawan mo para sa iyong wika. Sa maraming kaso, nahahanap ng mga biktima ng digmaan ang kanilang sarili sa mga kondisyon kung saan hindi na posibleng magsalita o magsenyas ang kanilang mga wika at ipagpatuloy ang kanilang tradisyong pangkultura. Ito ay partikular na nakikita kapag sila ay inilipat sa mga lugar na may napakakaunting miyembro ng kanilang komunidad na pinanggalingan at napilitang makihalubilo na gamit ang ibang wika, halimbawa, wika ng komunidad ng punong-abala. Ang pagpapanatiling buhay ng wika at kultura sa ilalim ng mga ganitong sitwasyon kung saan ang mga tao ay kadalasang sinusubukan na maging ligtas at mabuhay ay maaaring mapanghamon, ngunit sa parehong pagkakataon, maaari itong maging kapaki-pakinabang bilang isang paraan ng pagkupkop at pagpapanatili ng sariling pamumuhay at pagiging bahagi.

Ang aking komunidad ay kasalukuyang nahaharap sa parehong krisis na inilalarawan mo. Bago sumiklab ang labanan sa Anglophone doon sa Cameroon noong 2016, nagsisikap na kami upang mapanatili at isulong ang paggamit ng aming wika. Habang tumindi ang labanan at napilitang lumikas ang mga kabataan para sa kanilang buhay upang magtungo sa malalayong lugar sa loob at labas ng Cameroon, alam namin na ang aming wika at kultura ay mahaharap na ngayon sa malalaking banta. Kasabay nito, ang mahalaga ay mabuhay at makahanap ng katatagan sa buhay sa bagong kapaligiran. Upang muling maitayo at makamit ang katatagan, maaaring suportahan ang mga tradisyong pangkultura at pangwika na pamilyar ang mga tao, sa pagkaalam na sa bagong kapaligiran, may iba pang wika at kultura na kinakailangan para sa pagsasama-sama at/o kaligtasan ng buhay. Sa ilalim ng mga mapanghamong sitwasyon, maaaring isaalang-alang ng mga miyembro ng komunidad ang paggamit ng mga outlet ng social media upang bumuo ng mga koneksyon at mapanatiling buhay ang kanilang mga tradisyong pangkultura.

Sa kaso ng aking komunidad, lumikha kami ng grupo sa WhatsApp, account sa Facebook, at channel sa YouTube. Mula sa buong mundo ang mga miyembro, kabilang ang mga nanatili sa kanilang tahanan at mga nakatira sa lugar ng labanan. Nagbabahagi kami ng mga balita at update tungkol sa aming komunidad sa WhatsApp at Facebook, at tinatalakay ang lahat ng paksa tungkol sa komunidad, kabilang ang wika at kultura. Hinihikayat namin ang mga mensaheng audio sa grupo upang matiyak na nagagamit ng mga tao ang wika, at mapanatili ang diwa ng komunidad. Mayroong lingguhang aralin sa wika na inihahandog ng mga miyembro ng departamento ng wika. Nagpo-post kami ng mga video, musika, at maiikling pelikula sa aming wika sa channel ng YouTube. Mga dedikadong indibidwal ang responsable sa pagtiyak na ang ibinabahaging nilalaman ay naaangkop at nakakatugon sa mga layunin ng komunidad. Mayroon ding website na pinaglalagyan namin ang karamihan sa mga materyal na nilikha at ipinapakita ang aming wika at kultura. Kung saan ang mga indibidwal na nawalan ng tirahan ay nakatagpo ng organisadong grupo ng mga miyembro ng aming komunidad, sila ay agad na isinama sa grupo ng punong-abala at isinasagawa ang mga regular na buwanang pagpupulong sa personal. Sa mga pagpupulong na ito, nagagamit ang aming wika at kultura.

Depende sa sitwasyon, posibleng lumikha ng mga digital na platform na tulad ng inilarawan sa itaas o sa iba pang online na espasyo, tulad ng Duolingo o Coursera para sa mga online na kursong pangwika, at Discord, Skype, o Zoom para sa mga virtual na pagpupulong. Kung maaari, lumikha ng digital na silid-aklatan ng mga libro para sa pag-aaral, kuwento, diksiyonaryo, o balarila. Sa kabuuan, ang teknolohiya ay dapat gamitin hangga't maaari upang suportahan ang paglikha at pagpapanatili ng mga online na espasyo para sa wika at kultura. Higit sa lahat, naniniwala ako na anuman ang pinakamahusay para sa mga biktima ay dapat pangasiwaan at isulong.

 

-Pius

Was this article helpful?
0
0
No votes have been submitted yet.
0
No votes have been submitted yet.