Ano ang Pagpapasigla ng Wika?
May mahigit 7,000 wikang ginagamit sa mundo ngayon pero tinatayang kalahati ng mga iyon ang nanganganib na maglaho. Maraming tao ang nagsisikap para iligtas ang mga wika nila at makatulong na mapaunlad ang mga iyon: pagpapasigla ng wika ang tawag sa naturang gawain.
Pangkalahatang termino ang pagpapasigla ng wika para sa maraming uri ng aktibidad para suportahan ang patuloy na paggamit at pagpapasa ng wika. Pagtuturo ng wika sa mga bata, pagsasagawa ng mga pagtitipon para makapag-usap ang mga tao sa wikang iyon, pagsusulong sa wikang iyon sa mga pampublikong lugar at karatula, paggawa ng teknolohiya para magamit ang wikang iyon online—mga halimbawa ng pagpapasigla ng wika ang lahat ng ito.
Tungkol sa pagbuhay sa wika ang lahat ng ito—pagtulong sa wika na makapagpatuloy, makilala, mapahalagahan, at magamit. Umiikot ang pagpapasigla ng wika sa pagtulong sa mga tao na gamitin ang wika nang mas madalas sa mas maraming aspeto ng buhay nila.
Nakatuon din ang pagpapasigla ng wika sa pagpapabagal, pagpigil, o pagbawi sa pagkawala ng wika. Kung may mga hamon sa sigla ng wika mo, nilalayon sa pagpapasigla ng wika na mabawasan o malampasan ang mga hamon na iyon.
Posible ring may nabasa ka nang mga terminong gaya ng “pagbuhay ng wika,” “pagbawi ng wika,” “pagpapanatili ng wika,” at marami pang iba. Maraming komplikadong kahulugan ang bawat isa sa mga terminong ito pero kasama sa lahat ng ito ang ideya ng pagpapalakas ng wika mo—pagsisigurong magagamit iyon ng mga kasalukuyan at darating pang henerasyon, sa maraming aspeto ng buhay.
💡 Dito sa Proyekto para sa mga Nanganganib na Wika, ginagamit namin ang salitang “pagpapasigla” bilang pangkalahatang termino para sa lahat ng iba’t ibang ideya na ito.
Bakit napakahalaga ng pagpapasigla ng wika?
Natatangi sa iyo ang kahalagahan ng wika para sa iyo, sa pamilya mo, at sa komunidad mo. Kumikilos din ang mga tao sa iba’t ibang panig ng mundo, sa maraming iba’t ibang konteksto, para sa pagpapasigla ng wika batay sa maraming iba’t ibang dahilan.
Para sa maraming tao, tungkol ang pagpapasigla ng wika sa pagpapanumbalik ng mga koneksyon at relasyon. Iniuugnay ng wika ang mga tao sa kanilang mga pamilya, ninuno at darating pang henerasyon, lupain, komunidad, pagkakakilanlan, pananaw sa mundo, at kultura. Puwedeng maging mahalagang bahagi ng pagbuo muli ng koneksyon sa komunidad o pagpapanatili ng matibay na relasyon ang pagpapasigla o pagbawi ng mga wika. Lalo na sa mga sitwasyon kung saan sadyang inalisan ng mga wika ang mga tao at komunidad para mawalan sila ng koneksyon sa pamilya at komunidad nila, isang paraan ang pagpapasigla ng mga wika para maayos ang mga relasyong iyon.
Mahalaga rin ang pagpapasigla ng wika dahil sinusuportahan nito ang kalusugan ng isip, pangangatawan, at damdamin ng mga tao. Ayon sa pananaliksik, nauugnay ang pagpapasigla o pagpapanatili ng katutubong wika sa mas mabuting kalusugan ng isip, mas mababang rate ng pagpapakamatay, pag-iwas sa diabetes, mas mabuting dental health, mas mabuting kabuuang kalagayan, at marami pang iba. Nakakapagligtas ng buhay ang pagpapasigla ng wika.
Panghuli, usapin kaugnay ng mga karapatang pantao ang pagpapasigla ng wika. Malinaw na nakasaad sa UN Declaration of the Rights of Indigenous Peoples (Deklarasyon ng UN ng mga Karapatan ng mga Katutubo) na may karapatan ang mga katutubo na gamitin, ipasa, at pasiglahin ang mga wika nila. Malubhang paglabag sa mga karapatang pantao ang paniniil ng wika—pag-aalis ng mga wika ng mga tao sa pamamagitan ng puwersa, pamimilit, asimilasyon, o panggigipit—at dapat nating ikabahala iyon. Isang paraan ang pagpapasigla ng wika para makamit ang katarungan para sa bawat isa at sa lahat at maiwasto ang mga paglabag na ito sa mga karapatan sa wika.
Hindi matatalakay ng maikling sagot na ito ang lahat ng dahilan kung bakit napakahalaga ng gawaing ito. Kaya naman inaanyayahan ka naming i-explore ang mga sanggunian para matuto at mga kuwento tungkol sa pagpapasigla ng wika sa website ng Proyekto para sa mga Nanganganib na Wika at alamin kung ano ang makabuluhan para sa iyo at sa partikular na sitwasyon mo.
Inaalala Ko ang Wika Ko. Saan Ako Dapat Magsimula?
Posibleng nandito ka dahil inaalala mo ang wika mo. Baka napansin mong maraming bata na hindi nakakapagsalita ng wika mo. Baka mas madalang nang gamitin ng mga tao ang wika kumpara dati, o may mga hadlang sa paggamit ng wika mo sa ilang aspeto ng buhay mo.
Sa pagpapasigla ng wika, maraming iba’t ibang paraan para mapalakas ang wika mo. Nakadepende ang pinakamabisang paraan sa komunidad mo, kasalukuyang sitwasyon ng wika mo, mga layunin mo, at mga sangguniang magagamit mo. Pakikipagsapalaran ang pagpapasigla ng wika—puwedeng magbago sa paglipas ng panahon ang mga pangangailangan at plano mo, at mahalagang kaya mong makasabay at bukas ang isip mo.
Iba-iba ang bawat komunidad at bawat sitwasyon—puwedeng may mainam para sa isang komunidad o wika na hindi umubra sa iba. Dahil dito, mahalagang bumuo ng mga plano sa pagpapasigla ng wika na makabuluhan para sa iyo, wika mo, at komunidad mo.
Sa Learning & Help Center na ito, makakahanap ka ng impormasyon tungkol sa maraming iba’t ibang paraan para sa pagpapasigla ng wika. Dapat piliin ng komunidad ng wika mo kung ano-ano ang paraang gagawin! Mga suhestyon at paglalarawan lang ito ng ilan sa mga puwedeng gawin.
Isa itong sanggunian para matuto—hindi ito preskriptibo (nagsasabi sa dapat mo o hindi mo dapat gawin). Kayo ng komunidad mo ang mga eksperto sa wika ninyo, at kayo ang magpapasya kung paano ninyo gustong pasiglahin iyon!
Makakahanap ka rito ng impormasyong puwedeng makatulong sa iyong pumili ng paraang gagawin para sa pagpapasigla ng wika.
Unang Hakbang: Kumusta na ang Wika Natin Ngayon?
Magandang magsimula sa pag-iisip kung ano ang nangyayari sa wika mo ngayon. Isipin mo nang mag-isa, o nang kasama ang mga tao sa komunidad mo, ang mga tanong na gaya ng:
- Ilang tao ang nagsasalita/nagsa-sign sa wika natin? Lumaki o lumiit ba ang bilang na ito sa mga nakalipas na taon? Naiintindihan o ginagamit ba ng karamihan ng mga tao sa komunidad natin ang wika natin? Iba ba ito sa ibang baryo, bayan, o rehiyon?
- Anong mga grupo ayon sa edad ang gumagamit ng wika natin? Natututuhan ba ito ng mga bata? Mga nakatatanda o may edad ba ang karamihan ng mga gumagamit sa wika sa panahon ngayon?
- Anong uri ng suporta ang kasalukuyang mayroon tayo para sa wika natin? May mga libro, recording, o nakasulat na materyal ba tayo? May mga paaralan o programa bang nagtuturo na ng wika natin? May mga tao bang handang kumilos para suportahan ang wika natin?
- Ano-anong uri ng mga batas o patakaran ang nakakaapekto sa wika natin? May anumang batas ba tungkol sa paggamit, pagtuturo, o pagsusulong ng wika natin? Ano ang katayuan ng ating mga karapatan sa wika sa papel at sa realidad?
- Ano ang posibleng dahilan ng pagkawala ng wika? Ano-anong uri ng mga hamon ang kinakaharap ng komunidad ng wika natin, at bakit? Ano-anong uri ng kasaysayan, trauma, isyung panlipunan, kagipitang pang-ekonomiya, o iba pang bagay ang posibleng nakakaapekto sa wika natin?
- Ano ang palagay sa wika natin ng mga tao sa komunidad natin? Saan pinakainteresado o pinakanag-aalala ang mga tao sa wika natin? Ano ang iniisip at palagay ng mga tao tungkol sa pagkawala ng wika at pagpapasigla ng wika?
- May pondo ba tayo? Kailangan ba natin ng pondo, at kung ganoon, para saan natin kailangan iyon? Ano ang magagawa natin nang walang pondo mula sa iba (o ano ang makakamit natin kung paparaanan natin)? Saan tayo makakakuha ng pondo, paano tayo dapat mangalap, at paano natin iyon gagamitin?
You might check your language’s page on the ELP website to see what information has been published about these questions. (If the information about your language is old, incorrect, or incomplete, please contact us - we would love to work with you to fix it!)
Puwede kang pumunta sa page ng wika mo sa website ng Proyekto para sa mga Nanganganib na Wika para malaman mo kung anong impormasyon ang na-publish tungkol sa mga tanong na ito. (Kung luma na, mali, o hindi kumpleto ang impormasyon tungkol sa wika mo, makipag-ugnayan sa amin—ikalulugod naming makipagtulungan sa iyo para ayusin iyon!)
Ikalawang Hakbang: Ano ang mga Layunin Natin?
Para makapagdesisyon sa paraang gagawin, kailangan mong magpasya tungkol sa gusto mong marating—kung ano ang mga layunin mo para sa wika mo.
Hinihikayat ka naming pumunta sa Toolkit para sa Pagpaplano ng Wika ng First Peoples’ Cultural Council!
Makakatulong iyon sa iyo na usisain ang marami sa mga tanong na ito at makabuo ng magandang plano para sa proseso mo ng pagpapasigla ng wika. (Ginawa ang toolkit na ito para sa mga komunidad ng First Nations sa British Columbia, Canada pero puwede itong mapakinabangan ng mga tao sa maraming parte ng mundo.)
Posibleng maisip mo ang mga tanong na gaya ng:
- Ano ang pinakakagyat? May mga nakatatanda ba kung kanino tayo puwedeng makipagtulungan, at maitatala ba natin ang kaalaman nila habang posible pa? May mga salita o kaalaman bang kailangan nating itala bago malimutan ang mga iyon?
- Kanino tayo puwedeng makipagtulungan? Kanino na tayo nakikipagtulungan? May mga nakatalaga bang tagapagtaguyod ng wika sa komunidad natin, at paano natin sila makakaugnayan? May mga partner ba tayo, gaya ng mga organisasyong pangkomunidad, paaralan, iba pang Nation o komunidad, unibersidad, atbp.?
- Gusto ba nating ituro ang wika sa mga taong kabilang sa komunidad natin? Sa mga tao sa labas ng komunidad natin? Sa mga bata? Sa kabataan? Sa mga nasa edad? Gusto ba nating magsanay ng mga guro mula sa komunidad natin? May iba pa bang komunidad na may mga nagsasalita, guro, sanggunian o materyal, atbp. kung kanino tayo puwedeng bumuo ng ugnayan?
- Gusto ba nating gumawa ng mga materyal sa wika natin? Anong uri? Mga libro, video, recording ng musika, website o app, cartoon, o iba pang bagay?
- Ano-anong uri ng kaalaman at kultura ang pinakamahalaga para mapasigla ang wika natin? Ano ang mga interes at hilig ng mga tao kung kanino tayo nakikipagtulungan?
- Ano ang hangad nating maging sitwasyon ng wika natin pagkalipas ng limang taon? 10 taon? 50 taon? Ano ang mga mithiin, layunin, at pangarap natin para sa wika natin?
- Ano ang ilang bagay na ituturing nating “tagumpay” sa gawain natin para sa pagpapasigla ng wika?
Susunod na Hakbang: Ano-anong Paraan ang Makakatulong sa Atin na Maabot ang mga Layunin Natin?
Kapag alam mo na ang sitwasyon mo at ang gusto mong marating, kailangan mong bumuo ng plano para marating iyon. Maraming posibleng paraan para sa pagpapasigla ng wika!
Hinihikayat ka naming i-explore ang impormasyon sa Learning & Help Center na ito, matuto sa mga kuwento ng iba pang komunidad, at alamin kung may anumang ideya rito na mukhang naaangkop para sa iyo. Sa pagpili mo ng paraan, isipin ang sarili mong mga kasanayan, interes, at hilig—sino ka man, marami kang kahusayan na makakatulong sa gawain mo para sa pagpapasigla ng wika.
Kung may mga tanong ka pa rin pagkatapos usisain ang mga materyal na ito, hindi ka nag-iisa! Puwede kang makipag-ugnayan dito sa mga Gumagabay sa Pagpapasigla ng Wika ng Proyekto para sa mga Nanganganib na Wika—makakausap ka nila sa 11 wika.
Narito ang ilang pangunahing suhestyon kung saan magsisimula:
Kung iilan na lang ang nakatatanda na nakakaalam/gumagamit ng wika mo:
Kailangang-kailangan mo nang kumilos. Huwag ka nang maghintay—magsimula ka na kaagad! Narito ang ilang paraang posibleng naaangkop sa mga pangangailangan mo:
- Mga programa ng Gumagabay at Ginagabayan: mga one-on-one na partnership ng nasa edad na nag-aaral ng wika at ng matatas na nagsasalita na kadalasang nakatatanda para mabilis na mahasa sa wika.
- Dokumentasyon ng wika: paggawa ng mga recording ng wika mo para magkaroon ka ng mga materyal na magagamit sa pag-aaral sakaling mawalan ng buhay na nagsasalita ng wika sa hinaharap.
- Mga pugad ng wika: mga programa para mapalaki ang mga sanggol at maliliit na bata nang ginagamit ang wika.
Kung mabuti ang lagay ng kalusugan ng mga nakatatanda at natutuwa sila sa mga bata, puwede silang maging bahagi ng pugad ng wika. - Sumangguni rin sa handbook na Pakikipagtulungan sa mga Nakatatanda ng FPCC para sa higit pang patnubay!
Kung maraming nasa edad na nakakaalam/gumagamit ng wika mo pero hindi iyon alam/ginagamit ng mga bata:
Mainam na pagtuunan ang pagtulong sa mga bata na matutuhan iyon. Maraming paraan para gawin ito:
- Mga pugad ng wika: mga programa para mapalaki ang mga sanggol at maliliit na bata nang ginagamit ang wika. Kung maraming nasa edad na nakakaalam/gumagamit ng wika, puwede silang maging guro, tagapangalaga, at tagasuporta ng mga taong nasa pugad ng wika.
- Pag-aaral sa pamamagitan ng paglubog sa wika: mga paaralan o extracurricular na aktibidad na gumagamit sa wikang iyon lang para matulungan ang mga bata at/o nasa edad na matutuhan ang wika sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na paggamit.
- Mga camp sa pag-aaral ng wika: mga pagtitipon para matutuhan ang wika nang ilang araw o linggo na kadalasang isinasagawa sa labas o sa lupain sa pamamagitan ng mga aktibidad at paglubog.
Kung natututuhan ng mga bata ang wika (halimbawa, sa paaralan) pero hindi alam ng karamihan ng mga nasa edad sa komunidad ang wika:
Sa pamamagitan ng pagdaragdag ng sarili nilang kaalaman sa wika, masusuportahan ng mga nasa edad ang mga bata na patuloy na gamitin ang wika sa labas ng pugad ng wika/pangangalaga, programa para sa early childhood, o paaralan para sa paglubog sa wika. Magagawa mo ang:
- Pag-aaral sa pamamagitan ng paglubog sa wika para sa mga nasa edad: gumawa ng mga programa para matutuhan ng mga nasa edad ang wika sa pamamagitan ng paglubog sa wika nang sa gayon ay masuportahan nila ang pag-aaral ng wika ng kanilang mga anak, pamangkin, kapitbahay, estudyante, o iba pang bata sa komunidad.
- Paggawang lugar para sa wika ang tahanan mo: gumawa ng mga oportunidad para sa pag-aaral ng wika sa tahanan, at matutuhang gamitin ang wika para sa araw-araw sa tahanan. Halimbawa, puwede mong italaga ang ilang partikular na kuwarto kung saan ang wikang iyon lang ang puwedeng gamitin, lagyan ng label ang mga gamit sa bahay sa wika mo, o imbitahan ang taong marunong magsalita ng wikang iyon na mamalagi sa bahay para magamit ng lahat ang wika habang nasa bahay.
- Pakikipagtulungan sa mga programa sa pag-aaral ng mga bata: gumawa ng mga oportunidad para makapaggugol ng panahon ang mga nasa edad sa paggamit ng wika kasama ng mga batang nag-aaral ng wika. Halimbawa, puwedeng maging tagasuporta ang mga nasa edad sa mga pugad ng wika, klase, camp, o extracurricular na aktibidad.
Kung nagsasalita (o nagsa-sign) sa wika mo ang mga tao sa iba’t ibang edad sa komunidad mo:
Kung nagsasalita (o nagsa-sign) sa wika mo ang mga tao sa iba’t ibang edad sa komunidad mo pero kulang ang mga oportunidad nila para magamit iyon, o gusto mo lang masigurong patuloy na magagamit ng mga tao ang wika mo, mainam na pagtuunan ang pagpapanatili ng wika—pagsisigurong malakas ang wika at pagtulong na paunlarin iyon. Narito ang ilang paraan para magawa ito:
- Paggawa ng mga sanggunian para sa wika: paggawa ng mga video, digital tool, libro, at iba pang sanggunian na mas magpapadali sa paggamit ng wika sa lahat ng aspeto ng buhay.
- Pag-aaral gamit ang kinagisnang wika: paggawa ng paraan para makapag-aral ang mga bata sa sarili nilang (mga) wika.
- Pagkabatid at pagsusulong: paggawa ng paraan para maipagmalaki ang wika at magkainteres sa wika ang komunidad, at panghihikayat sa mga tao na patuloy na gamitin iyon.
- Mga aktibidad at pagtitipon gamit ang wika: paggawa ng mga lugar o event kung saan regular na magagamit ng lahat ang wika.
Sa lahat ng gawaing ito, mag-ingat at siguraduhing nasa mabuting kalagayan ka.
Minsan, posibleng kontrobersyal sa lipunan at politika, o mapanganib pa nga, ang pagpapasigla ng wika. Puwede ring maging mabigat sa damdamin o pag-iisip ang pagpapasigla ng wika. Puwede kang makatanggap ng iba’t ibang uri ng negatibong reaksyon. Balansehin ang mahalagang gawain ng pagsisigurong malakas ang wika mo at ang kailangan mong gawin para mapanatiling ligtas at nasa mabuting kalagayan ang sarili mo, ang pamilya mo, at ang komunidad mo.
Maaaring makatulong sa iyo ang The Wolf Who Walks in Two Worlds, isang workbook sa pagmumuni-muni para sa mga nagsasagawa ng pagpapasigla ng wika, sa pagpapanatili ng kagalingan ng damdamin, balanse, at kalinawan.
Pero mapapansin mo ring mapapaunlad ka ng pagpapasigla ng wika—kadalasan, napapasigla ng wika ang mga tao, bukod pa sa pagpapasigla ng mga tao sa wika nila. Nauugnay sa mas mabuting kalusugan ng isip at pangangatawan at mas magandang kalagayan ng komunidad ang pagpapasigla ng wika. Hangad naming makapagdala ng saya, kabuluhan, at kaugnayan sa iyo at sa komunidad mo ang gawaing ito.